BILANG NG STRANDED SA MGA PANTALAN, MAS MABABA KUMPARA SA MGA NAKARAANG BAGYO BUNGA NG MAAGANG AKSIYON AT KAHANDAAN

BILANG NG STRANDED SA MGA PANTALAN, MAS MABABA KUMPARA SA MGA NAKARAANG BAGYO BUNGA NG MAAGANG AKSIYON AT KAHANDAAN

PPA agarang tumugon sa epekto ng Habagat sa mga pantalan sa buong bansa.

10 AGOSTO 2026 – Matapos ang magkakasunod na bagyo, tiniyak ng ֦Ƶ na nananatiling ligtas at maayos ang mga operasyon ng mga pantalan sa gitna ng patuloy na epekto ng Southwest Monsoon o “Habagat,” sa pamamagitan ng maagang pagbibigay ng abiso at mahigpit na koordinasyon sa mga shipping lines at iba pang kinauukulang ahensya.

Sa direktiba ni PPA General Manager Jay Santiago, pinaigting ng mga Port Management Office (PMO) ang pakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), mga lokal na pamahalaan, shipping lines at port terminal operators upang agad na matugunan ang mga epekto ng masamang panahon sa mga biyaheng pandagat.

“Sa ganitong sitwasyon, hindi natin hinihintay na lumala muna ang kondisyon bago tayo kumilos. Maaga tayong nagbibigay ng abiso at nakikipag-ugnayan sa ating mga shipping lines upang maayos na maipatupad ang mga kinakailangang pagbabago sa biyahe at agad na maipaalam ito sa mga pasahero. Kasabay nito, tinitiyak nating hindi napapabayaan ang mga pasaherong maaapektuhan sa pamamagitan ng pagbibigay ng napapanahong impormasyon, pagkain at iba pang kinakailangang assistance habang hinihintay nila ang susunod na biyahe,” ani Santiago.

Sa kasalukuyan, may ilang kanseladong biyahe sa mga pantalan na apektado ng masamang lagay ng panahon at kondisyon ng karagatan. Kabilang dito ang mga pantalan sa ilalim ng PMO Batangas, PMO Mindoro, PMO MarQuez, PMO Bicol, PMO Masbate, PMO Palawan, PMO Siquijor, PMO Western Leyte/Biliran, at PMO Bohol. Mayroon ding mga pasaherong pansamantalang nananatili sa mga passenger terminal habang hinihintay ang susunod na abiso hinggil sa pagpapatuloy o pagbabago ng kanilang biyahe.

Sa Port of Lucena, namahagi ang PMO Marinduque/Quezon, katuwang ang DSWD, ng Ready-to-Eat Food (RTEF) packs sa 155 pasahero na pansamantalang nananatili sa Passenger Terminal Building (PTB) ngayong Agosto 10. Nagpaabot din ng mainit na pagkain ang Starhorse Shipping Lines Inc. sa mga pasahero noong Agosto 9.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang mga PMO sa mga shipping lines upang mabilis na maipabatid ang mga pagbabago sa iskedyul at matiyak na naaaksyunan ang pangangailangan ng mga pasaherong naapektuhan ng kanselasyon o pagkaantala ng kanilang biyahe.

Bilang bahagi ng direktiba ng PPA, patuloy ding ipinatutupad sa mga pantalan ang mga emergency response protocol at tinitiyak ang availability ng mahahalagang kagamitan at suplay, kabilang ang emergency power systems, communication equipment, first aid kits, pagkain at tubig. Pinananatili rin ang 24/7 na koordinasyon sa PPA Head Office at mga kaukulang ahensya upang agarang makatugon sa anumang pagbabago sa sitwasyon.

Kasabay nito, patuloy na minomonitor ng PPA ang kondisyon ng mga pantalan, sasakyang-dagat at mga biyaheng pandagat upang matiyak na ang anumang desisyon hinggil sa operasyon ay naaayon sa umiiral na kondisyon ng panahon at mga pamantayan sa kaligtasan.

Hinihikayat ng PPA ang mga pasahero na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso at direktang makipag-ugnayan sa kanilang mga shipping lines para sa pinakabagong impormasyon hinggil sa iskedyul at katayuan ng kanilang mga biyahe.

Sa gitna ng patuloy na epekto ng Habagat, nananatiling nakatuon ang PPA sa ligtas at maayos na operasyon ng mga pantalan, gayundin sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga pasaherong naaapektuhan ng kanselasyon at pagkaantala ng mga biyahe.

###