Pinaigting ng PPA ang paghahanda at koordinasyon sa mga pantalan upang maagap na matugunan ang epekto ng magkakasunod na bagyong “Luis” at “Maymay.”
05 AGOSTO 2026 — Higit na pinalakas ng ֦Ƶ ang pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan sa lahat ng pantalan sa bansa kasunod ng patuloy na epekto ng Tropical Storm "Maymay," na kasunod ng naging pananalasa ng Tropical Storm "Luis," upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, manggagawa sa pantalan, at iba pang port stakeholders.
Agad na nagbigay ng direktiba si PPA General Manager Jay Santiago sa lahat ng Port Management Offices (PMOs) na i-activate ang kani-kanilang emergency response protocols alinsunod sa PPA Disaster Risk Reduction and Management Manual. Inatasan din ang lahat ng PMOs na paigtingin ang koordinasyon sa Philippine Coast Guard (PCG), mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs), Local Government Units (LGUs), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang kaugnay na ahensya upang matiyak ang maagap na pagtugon sa anumang magiging epekto ng sama ng panahon.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ang pagsisiguro sa kahandaan ng mga emergency power system, communication equipment, first aid kits, at sapat na suplay ng pagkain at inuming tubig. Inatasan din ang mga PMO na tiyaking ligtas ang mga pasilidad ng pantalan, mga kargamento, at mga sasakyang pandagat na nasa loob ng mga pantalan upang mabawasan ang posibleng pinsalang dulot ng masamang panahon.
Sa kasagsagan ng epekto ng Tropical Storm "Luis," namahagi ang Port Management Office (PMO) Bicol, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Office V, ng Ready-to-Eat Food (RTEF) packs sa mahigit 200 stranded passengers sa Port of Tabaco, Albay matapos makansela ang mga biyahe sa rutang Tabaco–San Andres/Virac, Catanduanes dahil sa masamang lagay ng panahon.
"Magkasunod na mga sama ng panahon ang ating kinakaharap kaya mas pinaigting natin ang ating paghahanda sa lahat ng pantalan. Patuloy nating ipinatutupad ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga pasahero, port workers, at iba pang stakeholders, habang tinitiyak din ang maagap na pagtugon sa mga maaapektuhan ng masamang panahon," ani Santiago.
Patuloy na nagsasagawa ang PPA ng 24/7 monitoring sa lagay ng panahon at kondisyon ng mga pantalan, kabilang ang bilang ng mga suspendidong biyahe, stranded passengers, rolling cargoes, at mga sasakyang pandagat, upang matiyak ang agarang pagtugon sa anumang sitwasyong maaaring idulot ng bagyo.
Pinapayuhan ng PPA ang mga biyahero na makipag-ugnayan muna sa kani-kanilang shipping lines bago magtungo sa mga pantalan at sundin ang mga abiso ng PPA, Philippine Coast Guard, PAGASA, at mga lokal na pamahalaan kaugnay ng lagay ng panahon at iskedyul ng mga biyahe. Maaari ring bisitahin ang opisyal na social media pages ng PPA para sa pinakabagong impormasyon at mga advisory.
###
