PPA BAYANIHAN SA IKA-52 ANIBERSARYO

PPA BAYANIHAN SA IKA-52 ANIBERSARYO

Pinagtibay ng PPA ang bayanihan at malasakit sa pamamagitan ng pamamahagi ng halos 6,000 kilo ng bigas, donation drive, at iba pang CSR activities para sa kapakanan ng mga kawani.

17 HULYO 2026 – Higit pa sa pagdiriwang ng panibagong taon ng paglilingkod, itinampok ng ֦Ƶ ang diwa ng bayanihan at malasakit sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa kapakanan ng mga empleyado bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-52 anibersaryo ng ahensya.

Bilang pagkilala sa sipag at dedikasyon ng mga kawani, namahagi ang PPA ng halos 6,000 kilo ng bigas sa mga empleyado nito, tig-10 kilo ang bawat empleyado bilang ayuda sa mataas na presyo ng bilihin. Isinagawa ang pamamahagi simula Hulyo 13 hanggang sa buong linggo ng pagdiriwang ng anibersaryo bilang pasasalamat sa kanilang patuloy na kontribusyon sa paglilingkod sa publiko, "give back" sa mga empleyado sa halip na magkaroon ng malawakang selebrasyon.

Nagkaroon rin ng donation drive para sa mga empleyado ng Port Management Office (PMO) SOCSARGEN na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8. Sa pamamagitan ng boluntaryong ambag ng mga empleyado mula sa PPA Head Office at lahat ng 24 Port Management Offices sa buong bansa, nakalikom ng tulong-pinansyal na pantay na ipinamahagi sa mga apektadong kawani bilang pagpapakita ng pagkakaisa at malasakit ng pamilyang PPA.

Bahagi rin ng anibersaryo, inilapit ng PPA sa mga empleyado sa Head Office ang iba't ibang serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng isang Government Services Caravan. Kabilang dito ang mga serbisyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa Civil Registry at National ID, gayundin ang mga serbisyo ng PhilHealth, Social Security System (SSS), at Government Service Insurance System (GSIS), upang maging mas maginhawa ang pagproseso ng kanilang mga kinakailangang dokumento at transaksyon.

Kasabay nito, isinagawa rin ang taunang Annual Medical and Physical Examination ng mga empleyado noong Hulyo 2 hanggang 9 at Hulyo 15 hanggang 16 bilang bahagi ng patuloy na programa ng ahensya para sa pangangalaga sa kalusugan at kapakanan ng mga kawani.

Nagsagawa rin ang PPA ng Blood-letting Activity sa pakikipagtulungan sa Philippine National Red Cross kung saaan umabot sa 58 ang kabuuang bilang ng mga nagparehistro, habang 40 yunit ng dugo ang matagumpay na nakolekta mula sa mga boluntaryong donor.

"Ang tagumpay ng PPA ay bunga ng sipag, dedikasyon, at malasakit ng ating mga empleyado. Kaya't mahalaga ring maipadama sa kanila na pinahahalagahan sila ng ahensya. Ang bayanihan na ating ipinakita, lalo na sa pagtulong sa ating mga kasamahang naapektuhan ng kalamidad, ay patunay na ang PPA ay isang pamilya na nagkakaisa sa anumang hamon," ani GM Santiago.

Sa loob ng 52 taon ng paglilingkod, patuloy na isinusulong ng PPA ang isang organisasyong hindi lamang nakatuon sa modernisasyon ng mga pantalan at pagpapalakas ng sektor ng transportasyon, kalakalan, at turismo, kundi maging sa pagtataguyod ng isang kultura ng malasakit, pagkakaisa, at pagpapahalaga sa kapakanan ng bawat kawani. Sa pamamagitan ng mga programang ito, higit na pinagtitibay ng PPA ang paniniwalang ang isang organisasyong nagmamalasakit sa kapakanan ng mga empleyado ay mas handang maghatid ng mahusay, episyente, at makataong serbisyo sa sambayanang Pilipino.

###