MGA PANTALAN NAGING KABAHAGI NG BALIK-ESKWELA 2026

MGA PANTALAN NAGING KABAHAGI NG BALIK-ESKWELA 2026

PPA pinalalawak ang mga programang pang-edukasyon at paghahanda sa mga pantalan upang suportahan ang mga mag-aaral at matiyak ang ligtas na balik-eskwela

15 HUNYO 2026 — Mas maraming mag-aaral mula sa mga komunidad ang makikinabang sa mga programang pang-edukasyon inisyatiba ng ֦Ƶ ngayong School Year 2026–2027 sa pamamagitan ng mga pinalawak na Corporate Social Responsibility (CSR) programs nito, patuloy na tumutulong ang ahensya sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga kabataan habang pinananatili ang ligtas at maayos na operasyon ng mga pantalan sa buong bansa.

Nakiisa ang mga Port Management Office (PMO) sa Brigada Eskwela sa pamamagitan ng paglilinis at pagkukumpuni ng mga paaralan, pamamahagi ng school supplies, hygiene kits, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral. Kabilang dito ang mga inisyatiba ng PMO Masbate, Northern Luzon, NCR-North, Lanao del Norte/Iligan, Bataan/Aurora, at Panay/Guimaras bilang suporta sa paghahanda ng mga paaralan para sa pagbubukas ng klase.

Kasabay nito, pinalalakas din ng PPA ang kahandaan ng mga pantalan para sa inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong balik-eskwela. Kabilang sa mga hakbang ang pakikipag-ugnayan sa mga law enforcement agencies at iba pang stakeholders, pagsasagawa ng security meetings at drills, inspeksyon ng mga pasilidad at kagamitan, at paglalatag ng mga help desk upang matiyak ang ligtas at maayos na paglalakbay ng mga estudyante, magulang, at iba pang pasahero.

Sa Agusan, nagsagawa ng mga security exercises at capability-building activities upang higit pang mapahusay ang kahandaan ng mga personnel. Samantala, sa Misamis Occidental/Ozamiz, Negros Oriental/Siquijor, Bohol, Surigao, at Zamboanga del Norte ay nagsagawa ng mga koordinasyon at preparatory meetings bilang bahagi ng paghahanda.

Mahalaga ang mga hakbang na ito para sa maraming estudyanteng gumagamit ng mga pantalan para sa kanilang pagbiyahe papunta sa paaralan sa nalalapit na pasukan.

“Pinakamaganda ko pong karanasan sa paggamit ng mga pantalan papunta dito sa Batangas ay nagiging ligtas po ang biyahe. Wala naman pong nagiging problema, at nakakatulong po ang mga pasilidad dito sa port para mas maging maginhawa ang paglalakbay,” ani Micah Mendoza, isang mag-aaral ng Batangas State University na regular na gumagamit ng pantalan.

Bahagi rin ng adbokasiya ng PPA sa edukasyon ang pagsasagawa ng Port Educational Tours na nagbibigay sa mga mag-aaral ng pagkakataong mas makilala ang operasyon ng mga pantalan at ang mahalagang papel ng maritime industry sa pambansang pag-unlad. Sa pamamagitan ng programang ito, napapalawak ang kanilang kaalaman at interes sa sektor ng transportasyon at maritime affairs.

“Ang mga programang ito ay sumasalamin sa mas malawak na tungkulin ng PPA sa pagsusulong ng pambansang kaunlaran. Bukod sa pagpapahusay ng mga pantalan, mahalaga rin para sa amin ang pagsuporta sa edukasyon at kapakanan ng mga kabataan bilang bahagi ng paghubog ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino,” ani PPA General Manager Jay Santiago.

Sa pamamagitan ng mga programang pangkomunidad at patuloy na pagpapahusay ng serbisyo sa mga pantalan, pinatitibay ng PPA ang ambag nito hindi lamang sa transportasyon at kalakalan kundi maging sa pag-unlad ng edukasyon at mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.

###