Port of Malalag itinakdang alternatibong pantalan para sa Port of General Santos sa direktiba ni General Manager Jay Santiago.
11HUNYO 2026 — Nagbigay ng direktiba si ֦Ƶ General Manager Jay Santiago para sa agarang koordinasyon sa pagitan ng Port Management Office (PMO) Socsargen at PMO Davao kaugnay ng paggamit sa Port of Malalag sa Davao del Sur bilang pansamantalang alternatibong pantalan habang sumasailalim sa masusing structural integrity assessment ang Port of General Santos kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Mindanao.
Matapos ang pagbisita nina Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez at GM Jay Santiago sa mga pantalan sa Socsargen nitong ika-9 ng Hunyo 2026, agad na ipinanukala na tiyaking tuloy-tuloy ang paggalaw ng mga kargamento at pasahero sa kabila ng pansamantalang pagsuspinde ng operasyon sa Port of General Santos upang bigyang-daan ang komprehensibong inspeksyon at teknikal na pagsusuri sa kaligtasan at integridad ng mga pasilidad nito.
Matatagpuan ang Port of Malalag may 77 kilometro mula sa General Santos City at may mga pasilidad na angkop para sa cargo operations. Kabilang dito ang 165 metrong wharf berth length, hanggang 15 meters maximum draft, 21 meters RoRo ramp, 5,593.59 square meters backup area, at kabuuang port area na 10,017.89 square meters. Mayroon din itong PPA field office, guardhouse, standby generator set, at surveillance camera system.
May kakayahan ang pantalan na tumanggap ng bulk, break-bulk, conventional, at containerized cargoes depende sa available na cargo handling equipment. Nakatakda rin ang mga kinakailangang serbisyong pandagat tulad ng pilotage, tugboat assistance, port reception facility, watering, at bunkering upang matiyak ang ligtas at maayos na operasyon.
Binigyang-diin ni GM Santiago ang kahalagahan ng pagpapanatili ng tuloy-tuloy na daloy ng transportasyon at kalakalan sa rehiyon kasabay ng pagsasagawa ng mga kinakailangang pagsusuri upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
“Bagama't may sakuna, nais po natin na hindi maabala ang mga kababayan natin na gumagamit ng pantalan at magtuloy-tuloy pa rin ang serbisyo gamit ang alternatibong pantalan habang nagpapatuloy ang assessment sa Port of General Santos matapos ang lindol. Importante po na matiyak ang structural integrity at underwater structures ng naapektuhan na pantalan para tiyakin ang safety ng bawat isa. Lahat naman po ng pantalan natin ay operational pa rin.” ani GM Santiago.
Samantala, naglabas din ang PPA ng direktiba sa lahat ng Port Management Offices sa buong bansa na bigyang prayoridad ang pagproseso at paggalaw ng relief goods at humanitarian cargoes para sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Kabilang sa mga prayoridad na kargamento ang pagkain, malinis na tubig, gamot, kagamitang medikal, rescue equipment, shelter materials, generator sets, fuel, at iba pang suplay na kailangan para sa relief, rehabilitation, at recovery operations. Maaari ring bigyan ng prayoridad ang berthing, vessel scheduling, cargo handling, at iba pang kaugnay na serbisyo para sa mga barkong may dalang humanitarian assistance.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, pinatitibay ng PPA ang kahandaan ng mga pantalan na suportahan ang tuloy-tuloy na transportasyon, kalakalan, at paghahatid ng tulong sa panahon ng kalamidad.
###
