Nakahanda ang PPA sa pagtugon at pagpapanatili ng kaligtasan sa mga pantalan matapos ang lindol sa Davao Region.
10 OKTUBRE 2025 —Kaisa ang ֦Ƶ sa malawakang pagtugon matapos ang dalawang malakas na lindol na yumanig sa Davao Region ngayong araw, Oktubre 10, 2025, kung saan naglabas ng alert para sa banta ng tsunami sa ilang baybaying lugar sa Mindanao.
Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang magnitude 7.4 tectonic earthquake dakong alas-9:43 ng umaga. May lalim ito na 10 kilometro, at ang sentro ay nasa 62 kilometro timog-silangan ng Manay, Davao Oriental. Nasundan pa ito ng panibahong tectonic earthquake na 6.9 magnitude, dakong alas-7:12 ng gabi. Naitala ang sentro nito sa 36 kilometro timog-silangan ng Manay, Davao Oriental at may lalim din na 10 kilometro.
Bilang pangunahing ahensya na nangangasiwa sa mga pantalan sa bansa, agad na nagpatupad ang PPA ng heightened alert status sa lahat ng pantalan sa Mindanao, lalo na sa mga baybaying lugar na posibleng maapektuhan ng tsunami.
Nagsagawa na rin ng assessment ang mga tauhan ng PPA partikular sa Port Management Offices (PMOs) nito sa Davao, at mga karatig pang rehiyon upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasilidad, pasahero, at mga kawani ng mga pantalan.
Sa inisyal na assessment, natukoy ang mga bitak at settlement issues sa mga pantalan ng Mati, Pantukan, Tagpopongan, Babak, Maco, at Malalag. Bilang pag-iingat, nagpalabas ng work suspension ang pamunuan ng PMO Davao upang matiyak ang kaligtasan ng mga kawani at mabigyan sila ng pagkakataong makasama ang kanilang pamilya sa gitna ng kalamidad.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, nakahanda ang ahensya hindi lamang sa pagtugon sa agarang epekto ng lindol, kundi pati na rin sa pagpapanumbalik ng operasyon at pagbibigay ng tulong sa mga apektadong komunidad.
“Ang kaligtasan ng ating mga manggagawa, pasahero, at komunidad sa baybayin ang aming pangunahing prayoridad. Nakahanda ang PPA na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, Philippine Coast Guard, at iba pang ahensya para sa mabilis at koordinadong pagtugon,”pahayag ni GM Santiago.
Dagdag pa rito, tiniyak ng PPA na mananatiling bukas ang komunikasyon sa mga shipping lines, cargo handlers, at port users upang maiwasan ang pagkaantala sa operasyon at matiyak ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng mga mahahalagang kargamento.
Bilang bahagi ng disaster preparedness protocol ng ahensya, mahigpit ding mino-monitor ng PPA ang posibleng mga aftershock at epekto ng tsunami alert sa imprastruktura ng pantalan at sa kaligtasan ng karagatan. Pinapayuhan ang mga pantalan at komunidad na malapit sa baybayin na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng PHIVOLCS at ng kanilang mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs).
Naniniwala ang PPA na sa pamamagitan ng maagap na koordinasyon at pagkakaisa ng mga ahensya ng pamahalaan, ay agad na makababangon ang mga pantalan at mamamayan sa mga apektadong lugar.
Muling ipinapaabot ng PPA ang pakikiisa at panalangin para sa kaligtasan ng lahat ng naapektuhan ng lindol at patuloy na nagbabantay laban sa posibleng epekto ng tsunami.
###
