PPA IPINAGPALIBAN ANG PLANONG TERMINAL FEE ADJUSTMENT SA BATANGAS PORT

PPA IPINAGPALIBAN ANG PLANONG TERMINAL FEE ADJUSTMENT SA BATANGAS PORT

Ipinagpaliban ng PPA ang terminal fee hike sa Batangas Port bilang tugon sa hiling ng lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro na isinailalim sa state of calamity.

13 AGOSTO 2025 — Bilang tugon sa nararanasang State of Calamity sa probinsya ng Oriental Mindoro, naglabas ng direktiba si ֦Ƶ General Manager Jay Santiago na pansamantalang ipagpaliban muna ang aplikasyon ng Asian Terminals Inc (ATI) ukol sa plano nitong pagtataas ng terminal fee sa naturang pantalan mula Php 30 hanggang Php 100 bilang tugon sa ginawang pagpapaganda sa Batangas Port.

Habang pinag-aaralan ng PPA ang petition for terminal fee increase, batid ng PPA na ang Oriental Mindoro, kung saan marami sa mga kababayan natin na gumagamit sa Batangas Passenger Terminal ay kasalukuyang naninirahan, ay nasa state of calamity. Kung kaya’t bilang tugon sa panawagan ni Gov. Bonz Dolor na ipagpaliban muna ang terminal fee increase habang nasa state of calamity ang Oriental Mindoro, nagdesisyon ang PPA na hintayin munang makabangon ang Oriental Mindoro mula sa kasalukuyang state of calamity. Matapos ang state of calamity magdedesisyon ang PPA kung nararapat bang pagbigyan ang hiling ng ATI,” ani GM Santiago.

Nagsagawa na rin ng public consultation sa pagtataas ng presyo ng terminal fee kasama ang mga sektor na maapektuhan, ang lokal na pamahalaan, private sector, at ang mga regular na pasahero, upang mapag-aralan munang mabuti ang epekto nito sa mga komyuter ng pinakamalaking pantalan sa Pilipinas.

Binigyang-diin ni GM Santiago na nagpapatuloy ang koordinasyon ng PPA sa lokal na pamahalaan at kaugnay na ahensya upang maipatupad ang mga hakbang na makakatulong sa mas mabilis na rehabilitasyon at pagbangon ng mga apektadong lugar dahil sa mga nagdaang bagyo.

Oras na matapos ang deklarasyon ng State of Calamity, tutugon naman ang PPA Technical Working Group sa petisyon ng Asian Terminals Inc. (ATI) para sa terminal fee adjustment upang balansehin rin ang epekto nito sa mga pasahero, sa operasyon ng pantalan, at sa lokal na ekonomiya.

Matatandaang nitong 2024, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon sa Batanfas Port na isa sa may pinakabagong Passenger Terminal Building na kayang tumanggap ng 8,000 na pasahero sa modernong pasilidad nito.

###